MANILA, Philippines – Kapwa tiniyak nina Deputy Speaker Paolo Ortega at House Prosecutor 1 Rider Partylist Rep Rodge Gutierrez na wala silang nakikitang problema kahit pa man magkasabay na gagawin ng Kongreso ang pagbubukas ng session sa susunud na Linggo at ang pagpapatuloy ng impeachment trial.
Giit ng dalawa, handa ang mga mambabatas na tuparin ang kanilang tungkulin bilang legislator at bilang prosecutor.
“As it is, even before session, divided na rin po talaga yung time ng prosecution. We still have our constituents to serve. So I think it should be very, very much manageable,” paliwanag ni Gutierrez,.
“I think there won’t be that big adjustment. The only adjustment really would be ‘yung physical adjustment natin,” dagdag nito.
Magbubukas ang Congress ng Second Regular Session sa July 27 kaya naman magdudulot na ito ng pagbabago sa schedule ng Senate impeachment court.
Sa halip na mag-umpisa ng 2 p.m., inaasahang isasagawa ang trial mula 10 a.m. hanggang 3 p.m. tuwing Lunes hanggang Miyerkules upang maiakma sa House plenary session.
Tiniyak ni Gutierrez na walang magbabago sa trabaho ng mga mambabatas.
Sa kanyang panig sinabi ni Ortega na maisasagawa ng House ang gawaing lehislatibo habang patuloy na dumadalo sa trial.
“Well, at least naman po medyo mas may flexibility kasi may schedule na. Kumbaga time management na lang po. But siguro makikita natin na medyo mag-o-overtime po ang House of Representatives lalo ‘pag nag-start na po ‘yung session,” ani Ortega.
Dagdag pa ni Ortega, mas malaking hamon sa iskedyul ang naranasan nila sa kasalukuyang recess dahil kinailangan nilang hatiin ang oras sa pagitan ng impeachment proceedings at trabaho sa kanilang distrito subalit ngayong magbubukas na muli ang sesyon ay mas nakatutok na ito sa gawain sa Kamara. Gail Mendoza