MANILA, Philippines – Nakiisa ang Bureau of Immigration (BI) sa mga pinuno ng immigration at border security mula sa iba’t ibang bansa sa ginanap na Bali Process Immigration Officials’ Conference noong Hulyo 21 hanggang 22 sa Bali, Indonesia upang palakasin ang kooperasyon laban sa human trafficking para sa sapilitang kriminalidad at iba pang transnational crimes.
Pinangunahan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang delegasyon ng Pilipinas sa naturang kumperensya kung saan tinalakay ang mas mahigpit na pagtutulungan ng mga bansa sa pagsugpo sa lumalalang banta ng human trafficking at iba pang organisadong krimen na tumatawid sa mga hangganan.
Naging resource speakers sina Ann Camille F. Mina, Deputy Chief for Administration ng Immigration Protection and Border Enforcement Section, at Bienvenido Castillo III, Deputy Chief ng BI Anti-Terrorist Group. Ibinahagi nila ang mga hakbang ng Pilipinas sa panel discussion hinggil sa koordinasyon at pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga immigration department ng iba’t ibang bansa.
Ipinresenta ng dalawang opisyal ang whole-of-government approach ng Pilipinas sa paglaban sa trafficking, kabilang ang mahigpit na departure formalities para sa mga palabas na Pilipinong pasahero, intelligence-based risk profiling, masusing pagsusuri ng mga dokumento, at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang matukoy at matulungan ang mga posibleng biktima bago pa makaalis ng bansa.
Tinalakay rin ng delegasyon ang mga bagong modus ng trafficking, kabilang ang online recruitment para sa cyber scam operations at iba pang uri ng sapilitang kriminalidad. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng intelligence-led enforcement, predictive border management, at mas matatag na palitan ng impormasyon sa pagitan ng mga bansa upang mapigil ang mga sindikato.
Ibinahagi rin ng Pilipinas ang karanasan nito sa pagtulong sa mga naibalik na trafficking victims sa pamamagitan ng koordinadong pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, gayundin ang aktibong pakikilahok ng bansa sa mga regional cooperation mechanism.
Ayon kay Viado, mahalagang pagkakataon ang kumperensya upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng mga immigration authority sa paglaban sa human trafficking at iba pang transnational crimes.
“Habang patuloy na nagbabago ang mga sindikato ng human trafficking at ginagamit ang teknolohiya sa kanilang operasyon, kinakailangang palakasin ang intelligence sharing, border cooperation, at sama-samang pagkilos ng mga bansa upang maprotektahan ang mga mamamayan at masiguro ang seguridad ng ating mga hangganan,” ani Viado. JAY Reyes