Home NATIONWIDE PBBM idiniin buong suporta sa kapayapaan ng BARMM, tiniyak malaya at patas...

PBBM idiniin buong suporta sa kapayapaan ng BARMM, tiniyak malaya at patas na eleksyon

4
0

MAGUINDANAO DEL NORTE — Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta ng pambansang pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) lalo na sa nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon, sa ginanap na Bawat Bayan Makikinabang (BBM) at Bangsamoro Government Convergence Program sa Philippine Army Headquarters sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.

Dumalo rin sa programa si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr., na siyang nagpakilala kay Pangulong Marcos sa harap ng mga opisyal ng pamahalaan, mga lider ng BARMM, at iba pang stakeholder.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng patuloy na ugnayan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro government. Aniya, ang tiwala sa isa’t isa at sama-samang pananagutan ang susi sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Iginiit din ni Marcos ang suporta ng administrasyon sa nalalapit na parliamentary elections sa BARMM at tiniyak na nakatuon ang pamahalaan sa pagsasagawa nito ayon sa itinakdang iskedyul.

Ipinaliwanag niyang isinabatas ang mga amyenda sa Bangsamoro Organic Law (BOL) kasunod ng desisyon ng Korte Suprema hinggil sa territorial composition ng BARMM. Ayon sa kanya, layunin nitong matiyak ang kinakailangang legal at administratibong paghahanda para sa maayos, kapani-paniwala, at inklusibong halalan.

“We are determined that we will push through with the second Monday of September,” sabi ni Marcos.

Tinukoy ng Pangulo ang itinakdang petsa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Ayon kay Marcos, magiging mahalagang hakbang ang halalan upang magkaroon ang rehiyon ng isang halal na parliament, na aniya’y mahalaga sa pagtupad ng demokratikong adhikain ng mamamayang Bangsamoro.

Bukod sa usapin ng halalan, tinalakay rin ng Pangulo ang pagpapatupad ng Bawat Barangay Makikinabang Program, kung saan bawat barangay sa BARMM ay makatatanggap ng tig-P200,000.

Aniya, kalahati ng pondo ay ilalaan sa educational assistance, kabilang ang suporta para sa limang Presidential Scholars sa bawat barangay, habang ang natitirang pondo ay gagamitin sa mga proyektong prayoridad ng mismong komunidad.

Layunin umano ng programa na mapalawak ang oportunidad sa edukasyon at matugunan ang pangangailangan ng mga pamayanan sa rehiyon.

Kinilala rin ng Pangulo ang patuloy na paghahatid ng iba’t ibang frontline services ng mga ministry at tanggapan ng BARMM, kabilang ang mga assistance program para sa mga benepisyaryo.

Binanggit niya ang mga inisyatiba tulad ng Iftar Program, social services, medical missions, at suporta sa mga Hajj registrants bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na igalang at suportahan ang kultura at pananampalataya ng mga komunidad ng Muslim.

Muling tiniyak ni Marcos na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng administrasyon sa Bangsamoro government upang isulong ang kapayapaan, palakasin ang pamamahala, at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente sa rehiyon.

“Together, let us build a Bagong Pilipinas where every Filipino lives with dignity, realizes their aspirations, and shares in lasting peace and inclusive progress,” saad ng Presidente.

Nakatakda ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa Setyembre 14, 2026. Nagsimula ang election period noong Hulyo 16, habang magsisimula ang opisyal na campaign period sa Hulyo 30.RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here