Home NATIONWIDE Scam hubs sa Pinas, muling umuusbong — DOJ

Scam hubs sa Pinas, muling umuusbong — DOJ

1
0

MANILA, Philippines – Muling sumusulpot ang mga scam hub sa bansa matapos ang serye ng raid sa Zamboanga Sibugay, Quezon City at Makati City, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Gayunman, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na mas maliit na ang operasyon ng mga natutuklasang scam hub kumpara sa malalaking Philippine Offshore Gaming Operator o POGO compound na sinalakay noong 2024.

“It’s possible there is resurgence,” ani Ty, ngunit iginiit niyang mas maliit na ngayon ang laki ng operasyon at bilang ng mga dayuhang natatagpuan sa mga pasilidad.

Napansin din umano ng DOJ na karamihan sa mga dayuhang natatagpuan ngayon sa scam hubs ay Chinese nationals.

Noong mga nakaraang operasyon, iba’t ibang nasyonalidad kabilang ang Vietnamese, Indonesian, Myanmar, Nepalese at ilang African nationals ang nadiskubre sa mga scam compound.

Kamakailan, nagsampa ang National Bureau of Investigation ng qualified trafficking at iba pang kaso laban sa siyam na indibidwal kaugnay ng umano’y scam hub na sinalakay sa Zamboanga Sibugay.

Kasabay nito, sinabi ni Ty, na siyang undersecretary-in-charge ng Inter-Agency Council Against Trafficking, na patuloy na pinag-aaralan ng DOJ ang visa arrangements para sa Chinese tourists.

Kinakalap pa umano ng ahensya ang datos upang matukoy kung ilan sa mga Chinese nationals na nag-o-overstay o natatagpuan sa scam hubs ang pumasok bilang turista kumpara sa mga lehitimong bumibisita sa bansa.

Nanatili ring Tier 1 ang Pilipinas sa anti-human trafficking assessment ng United States, bagaman patuloy na problema ang trafficking at paggamit ng mga online scam operation sa pagsasamantala sa mga biktima.

Ayon sa DOJ, hindi nangangahulugan ang Tier 1 status na wala nang human trafficking sa bansa, kundi kinikilala nito ang mga hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang problema. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here