MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga hakbang upang maprotektahan ang karapatan at paniniwala ng Muslim sa Pilipinas, kabilang ang agarang paglalabas ng mga panuntunan sa batas sa Islamic burial, paggamit ng makabagong teknolohiya sa autopsy, at muling pagtalakay sa panukalang nagbibigay ng puwang para sa iba’t ibang relihiyon sa mga pampublikong sementeryo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs nitong October 21, binigyang diin ni Cayetano na hindi sapat na kilalanin lamang ang pagkakaiba-iba ng mga paniniwala.
Aniya, kailangan din itong samahan ng mga konkretong hakbang upang tunay na mapangalagaan ang karapatan ng bawat isa.
“If there’s a will to really respect rights, there’s a way,” pahayag niya.
Iminungkahi ni Cayetano sa komite na pormal na sulatan ang Department of Health (DOH) para mailabas na ang implementing rules and regulations (IRR) o panuntunan para sa Philippine Islamic Burial Act, na April 2025 pa naisabatas.
Giit niya, bago sumalang sa plenaryo ng Senado ang panukalang budget ng DOH sa Nobyembre ay dapat na naibigay na ng ahensya ang paunang draft nito sa mga nararapat na komisyon at non-government organizations (NGOs).
“Sulatan na natin ang [DOH] para wala silang excuse,” paghikayat ni Cayetano.
“Demand that by the time their budget is up in plenary, they have at least a draft given to all the relevant commissions and NGOs of the IRR of the Philippine Islamic Burial Act,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ng senador na pag-aralan ang paggamit ng makabagong forensic technology upang maisagawa ang autopsy na hinihingi ng batas nang walang nalalabag na paniniwala ng mga namayapang Muslim at ng kanilang pamilya.
Binanggit niya ang itinatayong modern forensic unit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig at hiniling sa mga miyembro ng komite na magrekomenda ng angkop na kagamitan at sistema para rito.
“May special equipment na hindi hahawakan ang katawan ng namayapa na Muslim at hindi rin bubuksan. ‘Pag inutos ng pulis or ng korte ng autopsy, pwede pa rin gawin [while] respecting their religious beliefs and their rights,” wika niya.
Hinimok din ni Cayetano ang mga ahensiya ng gobyerno na pag-aralan ang mga umiiral na kaugalian sa paglilibing sa mga komunidad ng Muslim sa Mindanao at sa ibang bansa.
Layunin nitong matiyak na maayos, napapanahon, at walang pagkaantala sa proseso ng paglilibing, at hindi maging hadlang rito ang mga hindi pa nababayarang bayarin sa ospital ng pamilya ng yumao.
Bukod dito, sinuportahan ni Cayetano ang mga panawagang muling pag-aralan ang Equal Access to Public Cemeteries Act, na na-veto ni President Ferdinand Marcos Jr. noong September 2025 dahil sa mga usaping konstitusyonal.
Layunin ng panukala na maglaan ng espasyo sa mga pampublikong sementeryo para sa mga Muslim, Indigenous Peoples at iba pang relihiyosong grupo.
Iminungkahi ni Cayetano na humingi ang komite ng legal na opinyon mula sa mga dating eksperto sa Konstitusyon upang masuri kung naaayon sa Konstitusyon ang panukala. Giit niya, hindi naman hadlang ang relihiyon ng yumao sa mga kasalukuyang tulong na ibinibigay ng gobyerno para sa paglilibing.
“Wala namang mawawala kung ilan sa mga former Chief Justices or Justices ay makatulong magbigay ng opinyon sa atin. Kapag pinadala natin ang bill sa Malacañang, nandoon din ang opinyon nila na walang violation ng separation of church and state,” sabi ni Cayetano.
“Umaasa akong mapapasa ito,” dagdag ng senador. Ernie Reyes