Home TOP STORIES 2 testigo walang personal na kaalaman sa cash delivery kay Romualdez

2 testigo walang personal na kaalaman sa cash delivery kay Romualdez

6
0

MANILA, Philippines – Inamin ng dalawang prosecution witness sa bail hearing ni dating House Speaker Martin Romualdez na wala silang personal na kaalaman sa mga cash delivery na inuugnay sa dating mataas na lider ng Kamara.

Inilantad din ng isa sa mga testigo ang mga malinaw na pagkakaiba sa halaga, dalas, at oras ng mga nasabing transaksyon.

Nagmula ang mga pag-amin kina Walter Rosales, personal assistant ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara, at Police Major Hermelo Dichoso, team leader ng security team ni Zaldy Co, sa ginawang cross-examination ng defense lawyer na si Ronald Solis sa harap ng Sandiganbayan Third Division.

Inamin ni Rosales na hindi niya alam kung saan nanggaling ang perang itinago sa mga Dura box at maleta. Sinabi niyang narinig lamang niya kay Alcantara na ang pera ay nagmula sa mga contractor.

Idinagdag pa ni Rosales na hindi niya alam kung para saan ang pera at wala siyang kaalaman sa mga proyekto sa Leyte, ang lalawigang kinakatawan ni Romualdez sa Kamara.

Sinabi rin nito na ang unang delivery kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay nangyari noong Pebrero 2022, limang buwan bago naging House Speaker si Romualdez noong Hulyo ng parehong taon.

Inihayag din ni Rosales na hindi niya personal na kilala si Co at kailanman ay hindi niya ito nakita sa Horizon Homes o Valle Verde, kung saan diumano dinala ang pera.

Samantala, pinatotohanan naman ni Dichoso na damit lamang at hindi pera ang nakita niyang ibinigay ni Co kay Romualdez sa isang pagpupulong sa Manila Polo Club.

Sinabi rin niyang nakabase lamang sa hinala ang kaalaman sa mga tirahan ni Romualdez matapos makakita ng mga security personnel na nakatalaga sa dating Speaker.

Igiit din nito na walang naganap na cash delivery sa mga pagpupulong na dinaluhan ng mga miyembro ng Kongreso.

Sa pagtatanong kay Rosales, sinabi niyang tatlong beses lamang siya nakasama sa delivery sa Horizon Homes at walong beses sa Valle Verde, na salungat sa mga naunang ulat na nangyayari ito nang tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.

Inihayag din ni Rosales na mas mababa ang halaga ng perang nasa mga maleta kumpara sa mga naunang.

Sinabi rin ng testigo na itinapon ang mga resibo sa utos ni Alcantara, kaya walang natirang kopya para suriin.

Bukod dito, kinumpirma ni Rosales ang pagkakaroon ng “secret room” sa opisina ni Alcantara sa DPWH Bulacan First District Engineering Office na may sukat na apat hanggang limang metro at naglalaman ng ₱100 milyon hanggang ₱200 milyon.

Gayunman, sa kabila ng paglalarawan sa paggalaw ng malalaking halaga ng pera, walang ibinigay na pahayag si Rosales na nag-uugnay kay Romualdez sa pagtanggap o pag-aayos ng mga naturang pera.

Dahil sa mga pag-amin at pagkakaiba sa mga testimonya, kinwestiyon ng defense team ang paratang laban sa dating Speaker.

Nakatakdang timbangin ng Sandiganbayan ang mga testimonya at mga ebidensya upang magdesisyon sa aplikasyon para sa piyansa ni Romualdez. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here