MANILA, Philippines — Bumaba sa kritikal na antas ang tubig sa Angat Reservoir sa Bulacan, dahilan upang matuyo ang ilang bahagi ng pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa bansa, ayon sa mga opisyal nitong Miyerkules.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bumaba sa mahigit 152 metro ang lebel ng tubig sa reservoir, mas mababa sa minimum operating level nitong 156 metro at malayo sa normal operating level na 180 metro.
Lumitaw ang malalawak na maputik na bahagi habang patuloy na umuurong ang tubig, bagama’t may tubig pa rin sa ilang bahagi ng reservoir.
Ayon sa PAGASA, kailangan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa watershed upang mapunan ang reservoir at maitaas ang lebel ng tubig nito.
Nakipagpulong na ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Water Resources Board, National Irrigation Administration at Local Water Utilities Administration upang talakayin ang mga pangmatagalang hakbang laban sa bumababang suplay ng tubig.
Nagbabala ang mga awtoridad na maaari pang bumaba sa 149 metro ang lebel ng tubig sa Angat Reservoir pagsapit ng weekend kung hindi bubuti ang kondisyon. Santi Celario