MANILA, Philippines — Hindi pa nakikita ng Department of Agriculture (DA) ang pangangailangang magpatupad ng price cap sa mga produktong agrikultural sa kabila ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis, maliban sa bigas, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules.
“…We might propose price caps in case lang. But as of the moment, no need except for rice,” sinabi ni Tiu Laurel sa mga reporter.
Muling nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis ngayong linggo kasunod ng panibagong paglala ng tensiyon sa pagitan ng United States at Iran sa Middle East.
Batay sa Department of Energy, pinahintulutan ang pinakamataas na dagdag na P3.65 kada litro sa gasolina, P10.68 sa diesel at P11.77 sa kerosene simula Martes, Hulyo 21.
Sinabi ni Tiu Laurel na mahigpit na binabantayan ng DA ang posibleng epekto ng pagtaas ng presyo sa international market sa gastos sa abono at transportasyon.
“‘Yun ang closely minomonitor natin. Dahil habang tumataas ang presyo na naman sa international due to the issue sa Middle East, may tendency bumalik, tumaas na naman yung fertilizer, tsaka yung transport,” ani Tiu Laurel.
Batay sa pinakahuling monitoring ng DA, nananatiling matatag ang presyo ng karamihan sa mga produktong agrikultural. Bahagya lamang umakyat ang presyo ng manok, habang nananatiling mababa ang presyo ng baboy.
“Sa ngayon kasi sa monitoring namin ng mga commodities, halos lahat medyo maayos yung presyo. Tumaas lang ng konti ang manok pero baboy mababa,” sinabi niya.
Nauna nang inatasan ng DA ang National Food Authority na itakda sa P21 kada kilo ang minimum buying price ng basang palay simula sa harvest season sa Setyembre upang matulungan ang mga magsasaka sa tumataas na gastos sa abono at iba pang production inputs. Santi Celario