MANILA, Philippines — Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na nakatanggap siya ng maraming online death threats matapos ang pagpatay sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata noong Hulyo 17.
Kinondena ni Hontiveros ang mga nagdiriwang sa pagkamatay ng vlogger at ang mga naghihikayat pa ng karahasan sa social media.
“Sa halip na makiramay, may mga nagdiriwang sa gitna ng kamatayan at nag-uudyok pa ng karahasan. Ngayon naman, marami rin ang tahasang nagbabanta na ako daw ‘ang susunod,’” aniya.
Sinabi niyang seryoso nilang tinutugunan ang mga banta at humingi na sila ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy ang mga nasa likod nito.
Ayon kay Hontiveros, regular na tinatanggal at nire-report ng kanyang staff ang mga mapanirang komento sa Facebook. Isinumite rin nila sa NBI ang mga pangalan at screenshot ng daan-daang Facebook users na umano’y nagbanta sa kanyang buhay.
Nanawagan din siya sa social media platforms at mga law enforcement agency na kumilos laban sa kultura ng karahasan at impunity online.
“Hindi dapat maging normal sa atin ang pagbabanta sa buhay ng ating kapwa. Kahit gaano kalalim ang pagkakaiba natin sa pulitika, may hangganan ang ating mga pagtatalo. We cannot allow such hatred to cost another life. We are better than this.”
Si Lipata, na kilalang tagasuporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay pinaslang ng riding-in-tandem sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City. Ayon sa pulisya, natukoy na nila ang dalawang suspek sa krimen, at isa sa mga ito ay may ilang naunang kaso. RNT/MDS