Home NATIONWIDE Pamamahagi ng bigas sa Puerto princesa, pinangunahan ni PBBM

Pamamahagi ng bigas sa Puerto princesa, pinangunahan ni PBBM

4
0

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang pamamahagi ng bigas sa 16,000 benepisyaryo sa Puerto Princesa City sa ilalim ng Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang Program.

Isinagawa ang pamamahagi sa Edward Hagedorn Coliseum bilang bahagi ng pagbisita ng Pangulo sa Palawan.

Dumalo rin dito sina Puerto Princesa City Mayor Lucilo “Cecil” Rodriguez Bayron, 2nd District Rep. Jose Chaves Alvarez, at 3rd District Rep. Gil “Kabarangay Jr.” A. Acosta.

Ang programa ay pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), na tumutulong sa mga lokal na pamahalaan upang mas mabilis na maihatid ang mga serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay Pangulong Marcos, inayos ang LGSF upang mas madaling magamit ng mga lokal na pamahalaan at mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong.

“Aayusin ko at gagawin nating maganda ang sistema sa LGSF. Ang LGSF ay nakatalaga para sa local government, ” ayon sa Pangulo.

Ipinaliwanag ng Pangulo na dati ay walang malinaw na proseso sa pagkuha ng pondo kaya binago ito ng administrasyon.

Sinabi ni Pangulong Marcos na mas mainam na ang mga lokal na pamahalaan ang tumukoy sa mga benepisyaryo at mamahala sa pamamahagi ng tulong upang mas mapabilis ang serbisyo.

“Para mabilis ang pagbaba ng serbisyo, dapat ang local government ang tumulong sa atin,” diin ng Pangulo.

“Makipag-ugnayan tayo sa local government… magpadala tayo ng pondo sa local government, sa mga mayor, sila na ang bahala,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program, tumatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng 10 kilo ng bigas kada dalawang buwan. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga solo parent, senior citizen, at mga pamilyang mababa ang kita.

Sinabi rin ng Pangulo na nakatutulong ang programa sa mga magsasaka dahil ang ipinamamahaging bigas ay direktang binibili sa kanila.

Hanggang Miyerkules, nasa 1,276 na lokal na pamahalaan sa buong bansa ang nakatanggap na ng pondo para sa Bagong Pilipinas Rice Program.

Ginagamit din ang LGSF sa mga prayoridad na lokal na proyekto tulad ng ayuda sa pagkain, imprastraktura, at iba pang pampublikong pasilidad.

Sa Palawan, kabilang sa mga natapos na proyekto ang rehabilitasyon at pagpapasemento ng mga farm-to-market road at solar electrification sa Barangay New Panggangan.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang food security.

“Ang kaisa-isang pinakamalaking bagay ay sana naman ay matulungan natin yung mga kababayan natin na hindi nakatitiyak sa kanilang pagkakain,,” diin ng Pangulo.

Idinagdag ng Punong Ehekutibo na layunin ng pamahalaan na matiyak na walang Pilipinong magugutom.

“Sana masabi natin, dumating ang araw na masasabi natin, ‘Wala nang gutom na Pilipino.” pagtatapos ng Pangulo.

Ang Bawat Bayan Makikinabang Program ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang mga lokal na pamahalaan at palawakin ang tulong sa pagkain at iba pang programang pangkabuhayan sa buong bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here