Home NATIONWIDE PH kinompronta si China FM sa pag-atake sa Ayungin, mapanlait na China...

PH kinompronta si China FM sa pag-atake sa Ayungin, mapanlait na China ‘Monkey’ video

5
0

MANILA, Philippines – Direktang ipinaabot ng Pilipinas kay Chinese Foreign Minister Wang Yi ang matinding protesta nito laban sa marahas na ginawa ng China Coast Guard sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal at sa mapanlait na China Daily video na naglarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.

Tinalakay ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang mga isyu kay Wang sa kanilang bilateral meeting noong Miyerkules, Hulyo 22, sa sidelines ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Pasay City.

“Secretary Lazaro reiterated the Philippines’ strong protest over the violent actions committed by China Coast Guard personnel against Filipino navy personnel at Ayungin Shoal on 20 July 2026,” ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa insidente noong Hulyo 20, umano’y hinampas ng mga tauhan ng China Coast Guard ng mga batuta ang mga Pilipinong sundalo. Nagtamo ng duguang sugat sa ulo ang isang tauhan ng Philippine Navy.

Inakusahan naman ng China ang Pilipinas ng “distorting facts” at iginiit na ang mga Pilipino ang unang nanakit.

Inihayag din ni Lazaro ang pagkabahala sa mga aksiyong lumalabag sa karapatang pandagat ng Pilipinas at naglalagay sa panganib sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino. Muli rin niyang hiniling ang pag-aalis sa mga natitirang istruktura ng China sa Bajo de Masinloc.

“She conveyed the Philippines’s consistent and principled positions on the South China Sea, and raised concerns over actions that have infringed on the maritime rights and entitlements, including incidents affecting the safety of Filipino personnel and fishermen, and reiterated the removal of remaining structures in Bajo de Masinloc,” pahayag ng DFA.

Mariin ding tinutulan ni Lazaro ang China Daily video na inilabas noong Hulyo 10, kung saan inilarawan ang mga Pilipino bilang mga unggoy. Binigyang-diin niya na hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng mapanlait na paglalarawan sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan sa usaping legal at pampolitika.

“The Secretary emphasized that disagreements over legal and political issues do not justify resorting to disturbing imagery, drawing a firm line at the depiction of Filipinos as monkeys in the 10 July 2026 China Daily video, which is deeply offensive, distressing, and unacceptable,” ayon sa pahayag.

Hinimok ng Pilipinas ang China na magpigil, umiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala sa tensiyon at lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan alinsunod sa international law.

“The Philippines emphasized the need to exercise restraint, avoid actions that increase tensions, and resolve disputes peacefully in accordance with international law, particularly the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea and the 2016 South China Sea Arbitral Award,” saad ng DFA.

Tinalakay rin nina Lazaro at Wang ang kabuuang kalagayan ng ugnayan ng Pilipinas at China, kabilang ang mga usaping pampolitika at pangseguridad, maritime at law enforcement concerns, kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, turismo, connectivity at people-to-people exchanges.

Kapwa binigyang-diin ng dalawang panig ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas ng mga linya ng komunikasyon, pagpapalalim ng pagkakaunawaan, pagpapalakas ng confidence-building measures at pagbawas sa panganib ng maling kalkulasyon.

Napag-usapan din ang progreso ng negosasyon sa ASEAN-China Code of Conduct sa South China Sea. Kapwa nagpahayag ang dalawang panig ng kahandaang tapusin ang mga pag-uusap sa loob ng taon.

Ayon sa DFA, binigyang-diin ng Pilipinas at China ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad at katatagan sa rehiyon habang ipinagpapatuloy ang dayalogo sa mga usaping kapwa nila pinahahalagahan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here