Home METRO Tigil-putol puno sa Maynila, inihirit ng mga kabataan sa SC

Tigil-putol puno sa Maynila, inihirit ng mga kabataan sa SC

2
0

MANILA, Philippines – Humiling sa Korte Suprema ang dalawang kabataang petitioner na ipatigil ang pagputol ng mga puno sa gilid ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard para sa Southern Access Link Expressway o SALEX project.

Humingi sina Joaquin Bautista at Elisha Zantua ng temporary environmental protection order laban sa mga opisyal ng kapaligiran at SALEX. Hiniling din nilang ideklarang labag sa Konstitusyon ang Section 23 ng Philippine Public-Private Partnership Code, na nagbabawal sa mga mababang hukuman na magpalabas ng TEPO at iba pang kautusang maaaring pumigil sa mga PPP project.

“Ang hinihingi po namin sa San Miguel Corporation ay unang-una itigil po ninyo ang pagputol niyo ng puno sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Bautista sa isang ambush interview.

“Meron kaming right to a balanced and healthful ecology. Kailangan po respetuhin po nila ito,” dagdag niya.

Binigyang-diin naman ni Zantua ang kahalagahan ng mga puno sa pagpapanatili ng malinis na hangin at pagharap sa matinding init at patuloy na mga bagyo sa bansa.

“Lahat po kami nakasalalay sa air quality lalo na sa init ng panahon ngayon at sa patuloy na pagbabagyo dito sa Pilipinas. Kailangan po natin ng mga puno, hindi lang po dito sa city, hindi lang po sa rural areas,” aniya.

Ayon sa Toll Regulatory Board, ang SALEX ay isang 40.65-kilometrong elevated expressway network na binubuo ng Shoreline Expressway at tatlong extension ng Metro Manila Skyway Stage—ang C3-R10, Quirino at Buendia extensions.

Nakalista sa TRB ang San Miguel Corporation bilang investor ng proyekto.

Nauna nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na boluntaryong sinuspinde ng project proponent ang pagputol ng mga puno sa Quirino Avenue kasunod ng pagtutol ng ilang grupo. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here