MANILA, Philippines – Muling posibleng harapin ng mga motorista ang malaking taas-presyo sa petrolyo sa susunod na linggo, kung saan maaaring madagdagan ng hanggang P6.50 kada litro ang diesel at hanggang P6 kada litro ang gasolina.
Batay sa apat na araw na average ng Mean of Platts Singapore at foreign exchange rates, tinatayang tataas ng P6 hanggang P6.50 kada litro ang diesel at P5.50 hanggang P6 kada litro ang gasolina.
“World oil prices have rebounded significantly due to concerns of further disruption to oil supply as the Strait of Hormuz remains largely closed to vessel traffic, and growing security risks in the Bab el-Mandeb Strait expanded the conflict and raised the threat to global energy supplies and trade beyond the Persian Gulf,” ayon sa isang oil industry source.
Iniuugnay ang inaasahang pagtaas sa pangamba sa patuloy na pagkaantala ng suplay ng langis dahil nananatiling halos sarado sa mga barko ang Strait of Hormuz. Lumalaki rin ang banta sa seguridad sa Bab el-Mandeb Strait, na maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng enerhiya at kalakalan.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis tuwing Lunes ang pinal na price adjustment, na ipinapatupad kinabukasan.
Ang panibagong taas-presyo ay kasunod ng malaking dagdag noong Hulyo 21 na P3.50 hanggang P3.65 kada litro sa gasolina, P10 hanggang P10.68 sa diesel, at P11.60 hanggang P11.77 sa kerosene.
Matapos ang ika-29 na oil price adjustment ngayong taon, umabot na sa P49.92 kada litro ang kabuuang net increase sa gasolina, P50.43 sa diesel, at P48.39 sa kerosene. RNT