Home METRO Yorme Isko, nagbigay-inspirasyon sa PPA: ‘Ang basurero pwede maging Mayor!’

Yorme Isko, nagbigay-inspirasyon sa PPA: ‘Ang basurero pwede maging Mayor!’

4
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ang kanyang sariling buhay ang pinakamalinaw na patunay na may bunga ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa isang tao, kasabay ng pagpupugay niya sa mga opisyal ng Parole and Probation Administration (PPA).

Sa kanyang talumpati sa ginanap na 1st PPA-NCR Criminal Justice Stakeholders’ Conference sa The Manila Hotel nitong Biyernes, Hulyo 24, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng PPA, ibinahagi ni Domagoso ang kanyang pinagdaanang buhay mula sa lansangan ng Tondo hanggang sa pagiging alkalde ng Maynila.

“Ako ay napapalibutan ng mga medyo maabilidad na indibidwal na hilig tumambay sa kanto. Pare-pareho kami ng environment, umiba lang ako ng landas,” ani Domagoso, na nagkuwento ring minsan siyang naging basurero at artista bago pumasok sa serbisyo publiko.

Binigyang-diin ng alkalde na ang layunin ng parole ay hindi lamang magbigay ng kalayaan kundi ng pagkakataong makapagsimula muli ang isang tao.

“Ang parole ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Na ang isang basurero ay pwedeng maging Mayor,” aniya.

Ayon pa kay Domagoso, hindi dapat nakatuon lamang sa pagpaparusa ang sistema ng hustisya kundi maging sa rehabilitasyon at pagbabago ng tao.

“Kapag pinag-uusapan ang hustisya, madalas ang unang naiisip ay parusa. Pero ang tunay na hustisya ay hindi lamang tungkol sa pagpaparusa, ito ay tungkol din sa pagbibigay ng pagkakataong magbago ang isang tao,” dagdag niya.

Sa gitna ng kanyang talumpati, pabirong sinabi ng alkalde na may isa umanong kasalukuyang senador ng bansa na naging patunay rin ng kapangyarihan ng parole system, bagama’t hindi niya ito pinangalanan.

“Isa sa senador natin ay nabigyan ng ganito, pwede pala maging senador. Who are we para manghusga?” ani Domagoso.

Ibinahagi rin ng alkalde ang isang kamakailang insidente ng krimen sa Maynila kung saan aniya ay mabilis na naaresto ang pangunahing suspek dahil sa kanyang malalim na kaalaman sa komunidad, habang kusang-loob namang sumuko ang tatlo pang sangkot.

Sa pagtatapos ng programa, tinanggap ni Domagoso ang Plaque of Recognition mula sa PPA para sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila at tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng lungsod sa ahensya upang maisulong ang rehabilitasyon at pagbabagong-buhay ng mga nasa ilalim ng parole at probation.

“Ang tunay na nagnanais magbago ay isang mahalagang pamumuhunan para sa mas maayos at mapayapang lipunan,” saad ng alkalde. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here