MANILA, Philippines — Muling isinulong ni Senador Bam Aquino ang panukalang itaas sa ₱480,000 ang taunang income tax exemption upang madagdagan ang take-home pay ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.
Hinimok ni Aquino ang Kongreso na gawing prayoridad ang Senate Bill 267, na naglalayong amyendahan ang National Internal Revenue Code upang hindi na patawan ng income tax ang mga kumikita ng hanggang ₱480,000 kada taon.
“Halos isang taon na itong hindi gumagalaw kaya umaasa tayo na sa pagbukas ng session, maisama ito sa priority legislation para agarang matulungan at mabigyan ng ginhawa ang ating mga kababayan at maitaas ang naiuuwi nilang sahod,” aniya.
Ayon kay Aquino, hindi na sapat ang kasalukuyang ₱250,000 tax exemption sa ilalim ng TRAIN Law dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Aniya, kapag naipasa ang panukala, mas maraming kita ang maiiwan sa mga manggagawa para sa pagkain, edukasyon, at pangangalagang pangkalusugan, at maaari ring makatulong sa pagpapalakas ng paggasta ng mga mamimili.
“Napapanahon na upang isabatas ito sa harap ng napakaraming pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Napag-iwanan na ang suweldo ng ating manggagawa sa mga pagtaas na ito at nabawasan na rin ang kanilang purchasing power,” saad niya.
Bukod dito, naghain din si Aquino ng iba pang panukala, kabilang ang pag-aalis ng VAT sa kuryente at pagbabawas ng VAT mula 12 porsiyento sa 10 porsiyento sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo. RNT/MDS