MANILA, Philippines — Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipag-ugnayan nito sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Trade and Industry (DTI) upang masugpo ang paglaganap ng mga pekeng QR code na ginagamit sa panloloko, lalo na sa mga online selling platform.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., palalakasin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang operasyon laban sa mga indibidwal at grupong nasa likod ng mga pekeng QR code na ginagamit upang linlangin ang mga online buyer at seller.
Ipinaalala rin niya na ginagamit ng mga scammer ang QR codes upang nakawin ang personal na impormasyon, bank account details, passwords, at mailihis ang bayad ng mga biktima sa mga pekeng account.
Hinikayat ni Nartatez ang publiko na tiyaking lehitimo ang pinagmulan ng QR code bago ito i-scan o gamitin sa pagbabayad.
“I-report ninyo agad sa amin kung kayo ay muntik nang mabiktima ng mga pekeng QR code na ito.”
Samantala, sinabi ni PNP-ACG chief Maj. Gen. Wilson Asueta na patuloy na nagbabago ang mga online scam kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya.
“Itong scams, nag-eevolve din ito sa trend ng technology… Kailangan laging tandaan maging mapanuri at huwag magpaloko.”
Ayon kay Asueta, nakatanggap na sila ng mga ulat ng mga biktimang na-scan ang pekeng QR code at napunta sa mga website na humihingi ng personal at pinansyal na impormasyon. RNT/MDS