Home NATIONWIDE Liquor ban, mahigpit ipatutupad sa Kyusi sa SONA 2026

Liquor ban, mahigpit ipatutupad sa Kyusi sa SONA 2026

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) PBGEN Randy Glenn Silvio na mahigpit nitong ipatutupad ang liquor ban sa Quezon City sa Lunes, Hulyo 27, 2026 ng madaling-araw hanggang 6:00 ng gabi kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang pagpapatupad ng liquor ban ay alinsunod sa Executive Order No. 24, Series of 2026, na inilabas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na may pamagat na “An Order Implementing a Liquor Ban in Quezon City on July 27, 2026, in View of the State of the Nation Address of President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.”

Sa ilalim ng nasabing kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa loob ng Quezon City sa mga nabanggit na oras. Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, tiyakin ang kaligtasan ng publiko, at maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente na maaaring makagulo sa mga paghahanda sa seguridad para sa taunang talumpati ng Pangulo.

Kaugnay nito pinapaalalahanan ng QCPD ang lahat ng mga establisyimento ng negosyo, nagbebenta ng alak, mga operator ng restawran, at ang publiko na mahigpit na sumunod sa direktiba. Ang mga indibidwal at establisyimentong mapapatunayang lumalabag sa liquor ban ay papatawan ng kaukulang aksyon at maaaring harapin ang angkop na mga parusa batay sa mga umiiral na batas at mga lokal na ordinansa.

“Sa lahat ng QCitizens, please be guided by the ordinances implemented by the city government upang maiwasan ang anumang kaguluhan at maisakatuparan ng payapa, maayos, at ligtas ang magaganap na SONA 2026.” sabi ni PBGEN SILVIO at hinikayat ang publiko na agad na ireport ang ano mang lumalabag at  kahina hinalang aktibidad sa 911 o QC Helpline 122. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here