MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 62-anyos na ina at kanyang anak matapos ma-trap sa nasusunog nilang dalawang palapag na bahay sa Barangay Tabunok, Talisay City, Cebu, madaling araw ng Martes, Nobyembre 10.
Kinilala ang mga biktima na sina Amalia Nebrija at anak nitong si Grace Joy Nebrija, isang nursing student.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na inilathala ng Banat, natanggap ang alarma tungkol sa sunog dakong 3:09 ng madaling araw.
Nahirapan ang mga bumbero na makapasok sa bahay dahil sa nakakandadong gate at mataas na bakod.
Sinabi rin ng mga opisyal ng barangay na sinubukan nilang katukin at tawagin ang mga residente, ngunit walang sumasagot.
Ayon sa BFP report, nakontrol ang apoy dakong 3:30 ng madaling araw at tuluyang naapula makalipas ang 10 minuto.
Tinatayang ₱90,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa sunog.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Talisay City Fire Station upang matukoy ang pinagmulan ng apoy at mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ng mag-ina.
Kabilang sa mga paunang sinisilip na posibleng sanhi ang naiwang nakasinding kandila at problema sa electrical connections, ngunit wala pang pinal na konklusyon ang mga awtoridad. Mary Anne Sapico