MANILA, Philippines — Nanawagan si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang benepisyo ng pagiging upper middle-income economy ng bansa.
Ayon kay Ridon, mahalagang maisalin ang bagong katayuang pang-ekonomiya sa mga programang magpapabuti sa buhay ng mga pamilya at magpapataas ng kanilang kita.
“Now that the country has achieved upper middle income status, it is imperative for the President to translate this new economic status into programs that will benefit ordinary Filipino families, improve their lives and increase their incomes,” aniya.
Opisyal na itinaas ng World Bank ang Pilipinas sa upper middle-income economy noong Hulyo 1, 2026, matapos umabot sa 4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa, na mas mataas sa itinakdang 4,636 na threshold.
Gayunman, sinabi ni Ridon na walang saysay ang naturang pagkilala kung hindi ito magreresulta sa mas maraming pagkain sa hapag at mas mataas na take-home pay ng mga manggagawa.
Iginiit din niya na may sapat pang panahon ang Pangulo upang ipatupad ang mga programang makatutulong sa mga Pilipino.
“The President still has two full budget cycles to implement sweeping economic measures which can directly benefit marginalized and working families. This can be among his presidency’s legacy pillars,” aniya.
Matapos ang State of the Nation Address (SONA), inaasahang sisimulan ng Kongreso ang pagtalakay sa National Expenditure Program (NEP) na magiging batayan sa pagbuo ng panukalang pambansang badyet. RNT/MDS