Home NATIONWIDE Kiyapo nagdulot ng baha, pagguho ng lupa sa Northern Luzon

Kiyapo nagdulot ng baha, pagguho ng lupa sa Northern Luzon

2
0

MANILA, Philippines – Nagdulot ang Tropical Storm Kiyapo ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Northern Luzon nitong Biyernes, Hulyo 24.

Sa Vintar, Ilocos Norte, umapaw ang isang irrigation canal dahil sa malakas na ulan at bumaha sa mga kalsada. Nagtulung-tulong ang mga residente sa paglalagay ng sandbags upang mapigilan ang pagpasok ng tubig sa kanilang mga bahay.

Sa Laoag City, gumuho ang isang riprap wall sa Barangay 55-A, Barit Sitio 5 at nagkalat ang mga bato sa kalsada. Binaha rin ang Barangay 7-B kung saan nagtulak pa ng mga sasakyan ang mga motorista upang makatawid.

Isang SUV rin ang nahulog sa gilid ng kalsada dahil umano sa mataas na baha na tumakip sa road shoulder.

Sa Batac City, umapaw ang Quiaoit River at binaha ang mga kalapit na lugar. Patuloy naman ang clearing operations matapos humupa ang ulan.

Sa bayan ng Adams, nagsagawa rin ng clearing operations matapos ang pagguho ng lupa.

Sa Dingras, tinangay ng rumaragasang tubig mula sa Madongan Dam ang ilang kubo ng mga tindero. Pansamantala ring ipinagbawal ang paglangoy sa dam.

Sa Baguio City, pansamantalang isinara ang bahagi ng Kennon Road matapos ang rockslide, ngunit agad itong nilinis ng mga awtoridad.

Sa Cagayan, binaha ang mga bahay sa Gonzaga kaya isinuspinde ang Pineapple Festival. Binaha rin ang isang kalsada sa Santa Teresita, habang napaagang anihan ng isda ang mga fishpond operator sa Buguey upang maiwasan ang mas malaking pinsala.

Sa Barangay Matucay, Allacapan, lubog sa baha ang mga palayan. Binaha rin ang isang paaralan at natuklap ang bahagi ng kisame. Nanawagan ang mga guro sa Department of Education na ipaayos ang matagal nang sirang gusali.

Ayon sa Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, mahigit 200 katao o nasa 50 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa lalawigan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here