FRANCE/SPAIN — Umabot na sa 267,000 katao ang inilikas dahil sa malalaking wildfire na patuloy na sumisiklab sa timog-kanlurang France at sa kanlurang bahagi ng Madrid, Spain.
Sa France, sinabi ng Interior Ministry na 197,000 katao ang inilikas sa paligid ng Bordeaux, kabilang ang mga turista sa mga bakasyunan. Ayon sa mga opisyal, ito na ang posibleng pinakamalaking peacetime evacuation sa kasaysayan ng bansa.
Sa Spain, mahigit 70,000 residente ang inilikas mula sa mga bayan sa kanluran ng Madrid. Sinabi ni Prime Minister Pedro Sanchez na ang pangunahing layunin ay mailigtas ang buhay ng mga mamamayan.
Patuloy na nakikipaglaban ang mga bumbero sa apoy, bagama’t bahagyang humina ang tindi ng ilang wildfire. Gayunman, nananatiling mataas ang banta ng pagkalat ng apoy.
Dalawang bumbero ang nasawi ngayong linggo sa France, habang isang katao naman ang namatay sa wildfire malapit sa Valencia, Spain.
Nagpadala ang France ng 1,500 sundalo upang tumulong sa operasyon, habang parehong tumatanggap ng firefighting aircraft ang France at Spain mula sa ibang bansang miyembro ng European Union.
Ayon sa mga siyentipiko, ang matinding init at tagtuyot na dulot ng climate change ang nagpapalala sa mga wildfire at nagpapabilis sa pagkalat ng apoy.
Sa ngayon, halos 98,000 ektarya na ang nasunog sa France, kabilang ang mahigit 32,000 ektarya sa paligid ng Bordeaux, habang tinatayang 25,000 ektarya naman ang natupok sa mga wildfire sa paligid ng Madrid. RNT/MDS