MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng Bureau of Immigration (BI) ang alegasyong nagpakalat ito ng mali o mapanlinlang na impormasyon, at iginiit na ang lahat ng inilalabas nitong pahayag ay nakabatay sa beripikadong datos bilang tugon sa mga lehitimong katanungan ng media.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang naging pahayag ng ahensya ay kasunod ng liham ng Solis Medina Fajardo & Malilong Law Offices na humihiling na bawiin ng BI ang nauna nitong tugon sa mga katanungan ng media kaugnay kay House Speaker Martin Romualdez.
Ipinaliwanag ni Viado na mandato ng BI ang magbigay ng makatotohanan, patas at responsableng impormasyon sa mga usaping may interes ang publiko.
Aniya, ang naunang pahayag ng BI ay tumutukoy sa umano’y planong paglalakbay noong Abril 2026 na hindi naman natuloy.
“Ang tugon ng Bureau ay nakabatay sa impormasyong nasa aming rekord sa panahong iyon at inilabas lamang bilang sagot sa lehitimong mga katanungan ng media. Hindi ang BI ang nagsimula ng pampublikong talakayan hinggil sa isyu,” ayon kay Viado.
Sinabi rin ng BI chief na batid ng kinauukulang panig ang umiiral na immigration records at travel restrictions na may kaugnayan sa naturang usapin.
Binigyang-diin ni Viado na walang batayan ang paratang na nagpakalat o gumawa ng maling impormasyon ang BI.
“Patuloy kaming magbibigay ng tapat, wasto at responsableng impormasyon sa publiko habang iginagalang ang due process at ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon,” ani Viado.
Dagdag pa niya, mananatiling propesyonal, patas at naaayon sa batas ang pagtupad ng Bureau of Immigration sa mandato nito, at ang lahat ng hakbang at pahayag ng ahensya ay mananatiling nakabatay sa beripikadong katotohanan, mabuting pamamahala at pananaig ng batas. JAY Reyes