Home NATIONWIDE ILAW Pilipinas nanawagan kay PBBM na bigyang-prayoridad abot-kaya, maaasahang kuryente sa SONA

ILAW Pilipinas nanawagan kay PBBM na bigyang-prayoridad abot-kaya, maaasahang kuryente sa SONA

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang consumer advocacy group na ILAW Pilipinas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing pangunahing bahagi ng kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) ang pagpapalakas ng sektor ng enerhiya upang matiyak ang abot-kaya, maaasahan, at transparent na serbisyo ng kuryente para sa lahat ng Pilipino.

Sa isang bukas na liham na inilabas bago ang SONA, sinabi ng grupo na bagama’t nagbigay ng pag-asa ang mga inisyatiba ng administrasyon noong nakaraang taon, kabilang ang pagpapalawak ng Lifeline Rate, pagdaragdag ng power generation capacity, at pagsusulong ng renewable energy, nananatili pa rin ang mabigat na pasanin ng mataas na singil sa kuryente sa maraming kabahayan at negosyo.

Ayon sa ILAW Pilipinas, patuloy ding nararanasan ng maraming komunidad ang madalas na planado at hindi planadong pagkawala ng suplay ng kuryente, na nakaaapekto sa kabuhayan, edukasyon, serbisyong pangkalusugan at lokal na ekonomiya.

Binigyang-diin din ng grupo ang pangangailangang repasuhin ang sistema ng National Electrification Administration (NEA) sa pagsusuri sa performance ng mga electric cooperative (EC), dahil umano’y hindi ito sumasalamin sa aktuwal na karanasan ng mga consumer.

Iginiit ng ILAW na bukod sa mga teknikal na sukatan gaya ng SAIDI at SAIFI, dapat ding isaalang-alang ang bilis ng pagresolba sa reklamo, transparency sa billing, kalidad ng serbisyo, at kasiyahan ng mga consumer sa pagtataya sa performance ng mga EC.

Hinimok din ng organisasyon ang NEA na magsagawa ng malawakang konsultasyon sa mga electric cooperative, consumer organizations at lokal na komunidad upang makabuo ng mas makatarungan at makabuluhang sistema ng pagsusuri.

Nanawagan din ang grupo sa Kongreso na paigtingin ang oversight sa mga electric cooperative sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking papel sa partisipasyon ng mga consumer sa franchise review at renewal ng mga ito.

Kasabay nito, sinabi ng ILAW Pilipinas na hindi lamang sapat ang pagtiyak sa sapat na suplay ng kuryente, kundi kailangan ding repasuhin ang mga buwis, singilin at iba pang dagdag-gastos na nagpapataas sa electric bill ng mga Pilipino.

Umaasa rin ang organisasyon na magiging regular ang dayalogo sa pagitan ng pamahalaan, power providers, electric cooperatives at consumer groups upang mas mapakinggan ang hinaing ng publiko sa pagbalangkas ng mga polisiya sa enerhiya.

Inihayag ng ILAW Pilipinas na ilalabas nito sa mga susunod na linggo ang kanilang Consumer Report Card on the Energy Agenda, na nakabatay sa isinagawang focus group discussions at konsultasyon sa iba’t ibang komunidad sa bansa.

Ayon sa grupo, layunin nitong makatulong sa pagbuo ng mas tumutugon, mas transparent at mas may pananagutang sektor ng enerhiya para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here