Home NATIONWIDE 4 arestado sa smuggling – BOC

4 arestado sa smuggling – BOC

2
0

MANILA, Philippines – Nahatulan ng pagkakakulong ang apat na indibidwal sa dalawang magkahiwalay na kasong may kaugnayan sa smuggling matapos magtagumpay ang Bureau of Customs (BOC) sa paghahabla sa mga ito sa Regional Trial Court ng Maynila.

Ayon sa BOC, ang hatol ay patunay ng pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan, masiguro ang seguridad sa mga hangganan ng bansa, at mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan.

Sa unang kaso, nahatulan ang isang indibidwal na umano’y gumamit sa YJC International Corporation bilang consignee-for-hire sa ilegal na pag-aangkat ng dalawang 40-foot container mula sa China noong Enero 3, 2021.

Idineklara ang mga kargamento bilang plastic products ngunit nang inspeksyunin ng Customs ay nadiskubreng may nakatagong 1,599 karton ng sigarilyo na walang kaukulang import commodity clearances. Dahil dito, hinatulan ang akusado ng pagkakakulong ng 12 taon at isang araw hanggang 15 taon at isang araw sa bawat bilang ng paglabag.

Sa ikalawang kaso naman, nahatulan ang presidente, bise presidente at corporate secretary ng ADNFinest Marketing Corporation kaugnay ng ilegal na pagpasok sa bansa ng mga sasakyan mula sa Dubai, United Arab Emirates noong Mayo 27, 2021.

Bagama’t dalawang sasakyan lamang ang idineklara sa shipment, natuklasan ng Customs ang hindi idineklarang isang 2020 Chevrolet Camaro ZL1 at 98 pirasong used tires. Lumabas din sa imbestigasyon na walang Certificate of Authority to Import motor vehicles ang naturang kumpanya.

Dahil dito, bawat isa sa tatlong opisyal ng kumpanya ay hinatulan ng pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon at isang araw.

Sinabi ng BOC na naihain ang mga kasong kriminal laban sa mga akusado noong 2021, kasabay ng pagkakadiskubre sa mga ilegal na importasyon, bilang bahagi ng agarang aksyon ng ahensya laban sa mga lumalabag sa batas.

Nagpasalamat naman si BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa BOC Legal Service sa walang sawang pagsasampa at pag-usig sa mga kaso, gayundin sa Department of Justice (DOJ) sa patuloy nitong suporta na nagresulta sa pagkakahatol sa mga akusado. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here