GENERAL SANTOS, Philippines – Nag-deploy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga disaster response team upang magbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng pagbaha dulot ng Typhoon Kiyapo at habagat.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, nakatutok ang mga regional personnel sa SOCCSKSARGEN, lalo na sa Sarangani at General Santos City, upang tumulong sa mga evacuation at relief operations.
Nagpadala rin ang DSWD Field Office sa Caraga ng 175 family tents para sa Davao Region.
Tiniyak ng ahensya na sapat ang kanilang relief supplies, kabilang ang 4.7 milyong family food packs na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng bansa at handang ipamahagi sa mga apektadong komunidad.
Bukod sa Mindanao, nagdulot din ng pagbaha ang Bagyong Kiyapo sa iba pang lugar. Ayon sa PAGASA, mahigit dalawang linggong katumbas ng karaniwang ulan sa Hulyo ang ibinuhos ng bagyo sa Northern Luzon. RNT/MDS