Home OPINION FLOOD CONTROL SCAM, ATB. MULING BUKSAN

FLOOD CONTROL SCAM, ATB. MULING BUKSAN

3
0

SIYAM buwang nanahimik ang Senate Blue Ribbon Committee o SBRC ukol sa flood control scam na nagkakahalaga ng P1.3-P1.7 trilyon sa nakalipas na apat taon.

Oktubre 4, 2025 nang suspendihin ni Senador Ping Lacson ang imbestigasyon sa ilang kadahilanan.

Sa ilalim ni Sen. Erwin Tulfo ngayon mula Oktubre 8, 2025 at naging lehitimong chairman noong Hunyo 3, 2026, magsisimula muli umano ang imbestigasyon.

Ngunit may kondisyon at ‘yung mga bago at hindi pa umano nakikitang mga witness at ebidensya noon ang kailangan.

Kailangan din umanong magkaroon na ng mga miyembro ang SBRC mula sa mga miyembro ng minority.

TAPOS NA ANG SONA

Ang sabi ni Sen. Erwin, kung mabuo na ang SBRC na may mga miyembro ng minorya, pwede nang magsimula muli ang imbestigasyon matapos ang 2026 State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong. Kahapon iyon, Hulyo 27, 2026.

Kung iisipin, mayroon nga talagang panahon para sa panibagong imbestigasyon.

‘Yun bang === pwedeng isingit ito sa impeachment trial na ginagawa lang sa mga hapon ng Lunes, Martes at Miyerkules.

Mayroon pang Huwebes at posibleng Biyernes hanggang Linggo kung mapagkakasunduan ng SBRC.

Pwede rin sa mga umaga mula Lunes hanggang Huwbes o Biyernes.

Naihabol naman yata ang mga priority bill na ninais ng Malakanyang na maaprubahan na naging laman ng SONA ng Pangulo.

May problema nga lang na malaki kung paano isisingit ang flood control probe lalo’t magsisimula na rin ang pagtalakay sa pambansang badyet na pinaimportante sa lahat taon-taon.

Tanong: Masasama ba ang flood control investigation sa mga isasantabi munang panukalang batas dahil sa pagharap ng Kamara at Senado sa panukalang pambansang badyet mula sa Palasyo?

LABAN SA KORAPSYON PRAYORIDAD

Kahit saan mapunta ang ating Uzi, mga Bro, ang usapang korapsyon ang gusto ng taumbayan na bigyan ng pansin ng pamahalaan.

Bakit? Dahil nanggagaling dito ang napakaraming krisis na pang-ekonomiya ng Pinas at sambayanan.

Ang totoo, hindi lang naman sa flood control may korapsyon.

Bawat ahensya ng gobyerno, meron nito maging mismo sa Commission on Audit at Commission on Elections, sa mga imprastraktura ng mga eskwela, ospital at iba pang mga ahensya, sa Bureau of Internal Revenue at mismong sa mga confidential fund ng Malakanyang at Kongreso, mga Maintenance and Other Operating Expenses, at maraming iba pa.

Kung susumahin lahat ng ito, baka lalampas pa sa P2 trilyon.

At may epekto ito sa pambansang badyet na mahigit P6 trilyon ngayon at aabot yata sa mahigit P7 trilyon para sa 2027.

Kinukulang ang pambansang badyet dahil sa laki ng korapsyon kaya taon-taon nangungutang ang gobyern ng trilyon-trilyon para mapagtakpan ang korapsyon na nakikita sa kakapusan ng badyet para sa bawat ahensya ng gobyerno.

SBRC AT KORAPSYON.

Magiging hamon sa kasalukuyang SBRC ang pagkalkal ng korapsyon, kung ganoon, at hindi dapat hanggang flood control lamang ang dapat na pagtuunan ng pansin dahil sa lawak at laki nito.

Umaasa ngayon ang taumbayan na magbukas ang SBRC nang seryoso na pagkalkal at pagpapanagot sa mga dapat managot…kahit sino at walang dapat pagtatakpan at kinikilingan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here