DAVAO CITY — Isinailalim sa state of calamity ang Barangay Los Amigos sa Tugbok District matapos maapektuhan ng matinding pagbaha ang hindi bababa sa 80 porsiyento ng mga residente nito dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Kiyapo at habagat.
Ayon kay Barangay Captain Roberto Ballarta, karamihan sa populasyon ng barangay ay naapektuhan ng baha.
Sa Bangka, Davao City, binaha ang 15 silid-aralan sa Leon A. Garcia Elementary School, na nakaapekto sa humigit-kumulang 400 estudyante. Sinabi ni school principal Jayson Barnes na magbabalik ang klase sa Lunes, Agosto 3.
Naiulat din ang pagbaha sa Ilocos Norte, Batangas, Maguindanao del Sur, at iba pang bahagi ng bansa.
Sa Maguindanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, lumusong sa hanggang baywang na baha ang mga para-social worker upang tumulong sa mga residente matapos umapaw ang ilang ilog.
Ayon sa Office of Civil Defense, hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi habang humigit-kumulang 295,066 katao sa buong bansa ang naapektuhan ng malawakang pag-ulan dulot ng Kiyapo at habagat. Mary Anne Sapico