MANILA, Philippines — Binatikos ni Davao City First District Representative Paolo Duterte ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes dahil umano sa kabiguang ganap na tugunan ang matagal nang mga isyu sa korupsiyon at paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino.
Sinabi ni Duterte na dapat ipakita ni Marcos ang political will na papanagutin ang mga sangkot sa mga alegasyon ng korupsiyon, anuman ang kanilang apelyido, posisyon, o impluwensiya, sa halip na magpahayag lamang ng pakikiramay sa pinagdaraanan ng isang kamag-anak.
“Maganda sanang pakinggan ang pahayag na iyan kung pareho rin ang ipinapakitang malasakit sa sambayanang Pilipino. Habang naaawa siya sa kanyang pinsan, kailan siya huling naawa sa milyun-milyong Pilipinong lugmok sa kahirapan, dumadaing sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain, mataas na singil sa kuryente, at patuloy na pagliit ng halaga ng kanilang kinikita?” giit ng mambabatas.
Binuksan ni Marcos ang kaniyang SONA sa pagtalakay sa imbestigasyon ng pamahalaan sa mga umano’y anomalya sa flood control projects. Sinabi niyang may mga kasong naisampa na laban sa mga kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways, at mga mambabatas.
“Nagsagawa tayo ng malawakan at malalimang imbestigasyon, na walang pagkiling kahit kanino man. Masusi nating sinuri at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya. Mayroon nang mga unang nakasuhan at nakulong: mga kontratista matataas na opisyal ng DPWH; pati na ang mga mambabatas,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na malapit nang magsampa ang Ombudsman ng patong-patong na kaso laban sa kaniyang pinsan na si dating House speaker Martin Romualdez.
“Dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa dating speaker. Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama,” aniya pa.
Ayon kay Duterte, hindi pakikiramay para sa mga nasa kapangyarihan ang hinihingi ng publiko kundi katotohanan, pananagutan, at hustisya.
“Hangga’t hindi nasasagot ang mga tanong tungkol sa bilyun-bilyong pondong ginugol sa flood control, sa kontrobersiya ng PhilHealth funds, at sa Maharlika Fund, mananatiling kulang ang anumang SONA sa mata ng mga Pilipinong patuloy na naghihirap,” ani Duterte.
Dagdag niya, hindi sa palakpakan sa loob ng Batasang Pambansa dapat sukatin ang tunay na kalagayan ng bansa kundi sa pagkain sa hapag ng bawat pamilya, presyo ng mga pangunahing bilihin, kalidad ng serbisyo ng pamahalaan, at tiwala ng publiko sa mga institusyon.
“Ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi nasusukat sa palakpakan sa loob ng Batasang Pambansa. Nasusukat ito sa laman ng hapag-kainan ng bawat pamilya, sa presyo ng mga bilihin, sa kalidad ng serbisyo ng gobyerno, at sa tiwalang unti-unti nang nawawala sa mga institusyon ng pamahalaan,” dagdag pa ni Duterte. RNT