Home NATIONWIDE Income tax exemption, nais itaas ni PBBM sa P350,000

Income tax exemption, nais itaas ni PBBM sa P350,000

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso na itaas mula P250,000 hanggang P350,000 ang taunang income tax exemption threshold upang mabigyan ng dagdag na ginhawa ang mga manggagawang kabilang sa middle class.

Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address noong Lunes, sinabi ni Marcos na layon ng panukala na mas malaki ang maiuwi sa sahod ng mga manggagawa sa gitna ng tumataas na gastusin at epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa suplay at presyo ng langis.

“Dagdagan natin ang mga manggagawang malilibre sa buwis sa kanilang kita. Isasama na natin ang mga kumikita nang hindi lalagpas sa P350,000 kada taon,” anang pangulo sa kaniyang talumpati.

Sinabi ni Marcos na kinikilala ng pamahalaan ang pinansyal na hirap na nararanasan ng mga manggagawa, middle class, at mga may-ari ng micro at small business.

“Alam natin na sila rin ay nabibigatan sa epekto ng krisis… So, to ensure the continued progress of the middle class amidst the lingering effects of the crisis, we will pursue tax relief measures that promote growth, generate revenue, and advance equity toward socio-economic sustainability,” sabi ni Marcos.

“Kaya bilang natatanging proteksyon sa kanila at para mas mapakinabangan nila ang pinaghirapan nilang kita, nananawagan ako sa Kongreso upang maipasa ang batas na magbibigay ng bahagyang ginhawa para sa ating bayaring buwis,” dagdag ng pangulo.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, hindi kasalukuyang pinapatawan ng income tax ang mga kumikita ng P250,000 o mas mababa kada taon.

Iminungkahi rin ni Marcos na hindi na patawan ng minimum corporate income tax ang maliliit na negosyo. Sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act, nakatakda sa 2 porsiyento ng gross income ng isang korporasyon sa loob ng 12 buwan ang MCIT.

Isinusulong din ng Pangulo ang tax amnesty para sa mga hindi nabayarang income tax, estate tax, donor’s tax, at value-added tax, kasama ang mga kaukulang multa.

“Pangatlo, para mapanatag ang loob ng taumbayan ang pagbigay ng amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis tulad ng income tax, estate, donor’s tax, at value added tax. Kasama na rin diyan ang mga multa na kaakibat ng mga ito,” patuloy ni Marcos. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here