TACLOBAN CITY — Nagpahayag ng pagkadismaya ang isang magulang ng estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose High School sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes, sa kabila ng pagbanggit nito sa insidente.
Nagpaabot si Marcos ng pakikiramay sa mga pamilya ng tatlong high school student na napatay noong Hunyo 22 ng dalawang children in conflict with the law o CICL.
Sinabi ni Ariet Dazo na bagaman nakatanggap na ng tulong mula sa pamahalaan ang kanilang pamilya, patuloy niyang hinihingi ang hustisya para sa pagkamatay ng kanyang anak.
“It was good that he mentioned (the incident). However, he could have done something to incarcerate the 14-year-old because there will still be someone who will do the same (crime),” pahayag ni Dazo sa isang panayam sa media.
Hindi sinampahan ng kaso ang isa sa mga CICL, isang 14-anyos na estudyante ng paaralan, dahil hindi ito maaaring managot sa krimen bunsod ng kanyang edad.
Samantala, sinampahan ng tatlong bilang ng murder at multiple counts of physical injuries ang isa pang CICL matapos mapatunayan ng tanggapan ng piskal na kumilos ito nang may discernment o sapat na pagkaunawa sa kanyang ginawa.
Parehong nasa kustodiya ng isang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad para sa intervention.
Muling nanawagan si Dazo na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act upang ibaba ang minimum age of criminal responsibility para sa mga CICL. RNT