MANILA, Philippines — Binigyan ng ilang kalihim ng Gabinete ng markang siyam hanggang 10 ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagtutok nito sa agrikultura, overseas Filipino workers, edukasyon, kalusugan, pagpapagaan ng kahirapan, at paglaban sa korupsiyon.
Inilarawan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang talumpati bilang isa sa pinakamagagandang SONA na kaniyang narinig, dahil tinalakay umano nito ang agarang pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng krisis sa Middle East.
“It’s one of the best SONAs—if not the best SONA—I’ve heard, and of course one of the best from the President,” pahayag ni Cacdac.
“It’s all a 10. Kasi unang-una, he went for something that is most important: alleviating the current situation… karamihan ng pinag-usapan ni Pangulo kapakanan din ng mga pamilya ng mga OFWs. ‘Yung mga naiwanang pamilya, paano ang edukasyon, paano ang pangkalusugan, paano ang pagtukoy o pagpapaigting ng laban kontra korapsyon,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ipinakita ng SONA na nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura.
“Talagang nasa isip natin ito, sa puso at sa gawa ang ating agriculture programs for our farmers and fisherfolk,” aniya.
“Sa amin, may dalawang taon pa kaming kailangang gawan ng paraan at tuloy-tuloy na mag-invest sa agrikultura para pagbaba nga sa 2028 ay makatulong talaga sa ating farmers and fisherfolk,” dagdag niya.
Ayon kay Tiu, paiigtingin ng Department of Agriculture ang swine recovery program at pagsisikapang higit pang pababain ang presyo ng baboy bago matapos ang termino ni Marcos sa 2028.
Magpapatayo rin ang DA ng tatlong “mega hatcheries” sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang madagdagan ang suplay ng seafood at marine aquaculture products.
“The aim is to have more affordable food for the Filipinos and to have more mega food hubs,” sinabi ni Tiu.
Binigyan naman ni Education Secretary Sonny Angara ng markang siyam ang SONA dahil malinaw umano nitong inilatag ang mga nagawa ng pamahalaan at mga plano para sa natitirang dalawang taon ng administrasyon.
“Nine kasi mahusay talaga at palagay ko lahat ng nararamdaman ng Pilipino ngayon ay natutugunan. Kahit hindi pa nagawa at least may plano at mabibigyan ng pag-asa ang Pilipino,” pahayag niya.
Sinabi ni Angara na target ng Department of Education na mapababa mula 140,000 hanggang “100,000 or less” ang kakulangan sa silid-aralan, depende sa pondong ilalaan ng Kongreso. Nakatakda ring simulan ngayong taon ang pagtatayo ng 30,000 classrooms.
Itinampok din ni Marcos ang learning recovery at kapakanan ng mga estudyante, kabilang ang pagpapalawak sa school-based feeding program para sa mahigit 4.5 milyong kindergarten, Grade 1, at nutritionally at-risk learners. RNT