MANILA, Philippines — Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maaaring lumikha ng hanggang 190,000 de-kalidad na trabaho ang planong Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City at palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang artificial intelligence at technology value chain.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address noong Lunes, sinabi ni Marcos na produkto ng United States-led Pax Silica Initiative ang panukalang pasilidad at layong bumuo ng industrial ecosystem na nakasentro sa AI.
“It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy,” pahayag ni Marcos.
“As a strategic component of the Luzon Economic Corridor, the hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain,” dagdag niya.
Ang Pax Silica ay isang planong high-technology manufacturing and innovation hub sa ilalim ng Luzon Economic Corridor. Layon nitong gawing mahalagang kalahok ang Pilipinas sa global supply chains para sa semiconductors, AI, at critical minerals.
Sumali ang Pilipinas sa coalition noong Abril bilang ika-13 miyembro nito. Mula noon, lumawak na ang grupo sa mahigit 30 bansang kalahok.
Nauna nang sinabi ng Bases Conversion and Development Authority na maaaring makahikayat ang inisyatiba ng USD40 bilyon hanggang USD70 bilyong pamumuhunan kapag ganap nang nadebelop. Inaasahan din itong magbigay ng mga oportunidad sa trabaho sa bansa para sa mga Pilipinong engineer, researcher, computer science graduate, at iba pang highly skilled professional.
Inilahad din ni Marcos ang pagsisikap ng pamahalaan na paunlarin ang mga strategic at emerging industry. Sinabi niyang angkop ang heograpiya at ekonomiya ng Cagayan upang magsilbing gateway to space ng bansa at maging lokasyon ng unang spaceport ng Pilipinas.
Nakatakda rin sa 2027 ang sounding rocket launch test katuwang ang isang South Korean aerospace company, dagdag ng Pangulo. Dave Baluyot