Home LIFESTYLE HEALTH Sirit-HIV ibinabala sa $7.3B tapyas-pondo

Sirit-HIV ibinabala sa $7.3B tapyas-pondo

1
0

GENEVA — Nanganganib na muling lumala ang HIV epidemic sa buong mundo matapos bumaba nang 18 porsiyento sa $7.3 bilyon ang international funding noong 2025, ang pinakamababang antas sa halos dalawang dekada, ayon sa UNAIDS.

Sa ulat na inilabas sa pagbubukas ng isang international AIDS conference sa Brazil, nagbabala ang ahensiya ng United Nations na maaaring mabawi ng kaguluhang pampolitika at pinansiyal ang ilang dekadang progreso laban sa HIV.

“The international community has entered a period of profound political and financial upheaval that threatens decades of hard-won gains against HIV,” ayon sa UNAIDS. “Without renewed commitment and action, the world risks a resurgence of the HIV epidemic.”

Kasunod ang pagbaba ng pondo sa pagbawas ng international support, partikular mula sa United States na dating nagbibigay ng 75 porsiyento ng pandaigdigang HIV funding.

Bagama’t ibinalik ang ilang life-saving treatment programs matapos ang pansamantalang paghinto ng pondo noong Enero 2025, nanatiling limitado ang maraming prevention initiatives.

Ayon sa UNAIDS, nanganganib ang mga tagumpay na nagpababa sa bagong HIV infections at AIDS-related deaths sa pinakamababang antas sa mahigit 30 taon.

“The current fragility of the HIV response puts these gains at risk unless global solidarity is restored and inequalities are addressed,” pahayag ng ahensiya.

Humigit-kumulang 1.2 milyong tao ang nahawahan ng HIV noong 2025, habang malayo pa rin sa target ang pagwawakas sa AIDS pagsapit ng 2030 dahil sa kakulangan sa pondo at iba pang health crises.

Bahagyang napunan ng mas mataas na domestic spending ang nabawas na foreign aid kaya nalimitahan sa 6 porsiyento ang kabuuang pagbaba ng HIV resources. Gayunman, hindi lahat ng pamahalaan ay nakayang punan ang kakulangan.

Naitala sa sub-Saharan Africa, na pinagmumulan ng halos kalahati ng bagong global infections, ang ilan sa pinakamalalaking pagbawas sa prevention spending.

Ipinakita ng national data mula Cameroon, Nigeria, at Zambia na bumaba nang mahigit 50 porsiyento ang bilang ng mga taong tumatanggap ng pre-exposure prophylaxis o PrEP.

“HIV funding disruptions severely impacted HIV prevention, testing and key components of treatment programmes, such as the range of community-led services that reach the people most affected by HIV,” ayon sa UNAIDS. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here