MANILA, Philippines — Patay ang isang 33-anyos na pulis matapos magulungan ng 10-wheeler truck habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa C3 Road, Barangay 22, Caloocan City, pasado alas-2 ng madaling araw nitong Martes, Hulyo 28.
Dead on arrival sa ospital ang biktima na pauwi na sana sa Caloocan matapos ang 24-oras na duty kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa CCTV footage, makikitang dumaan ang truck bago nakita ang biktima na nakahandusay sa kalsada katabi ng kaniyang natumbang motorsiklo. Papunta sana sa Malabon ang truck upang mag-deliver ng hollow blocks nang mangyari ang insidente.
Ayon sa driver ng truck, hindi niya napansin ang motorsiklo na nasa likuran o gilid ng kaniyang sasakyan.
“Galing po kami dyan sa may stoplight. Ngayon, pagka-green, nag-go kami. Eh ngayon, nasa likuran pala siya, hindi ko naman alam na nasa likuran,” pahayag ng driver ng truck.
“Ngayon, tuloy-tuloy yung nakabuko rito, nagulat ako, bigla na lang sumalpok sa gilid ko. Binangga yung truck sa gilid. Eh ngayon, pagka-bangga niya, natumba.”
“Nakita ko na lang po sa side mirror nung sumalpok sa gilid ko… Wala na, wala na po. Na ano na po, pagkakita ko, wala na po. Patay na po,” dagdag pa niya.
“Sa mga pamilya ng namatayan, pasensya na, hindi namin kagustuhan yung nangyari. Kasi kahit anong ingat mo sa daan, eh, yung ganyan, aksidente po kasi yan, eh.”
Samantala, sinabi ng isang delivery rider na nakasaksi sa insidente na napansin niyang pa-gewang-gewang na ang takbo ng biktima bago ang aksidente.
“Mula pa lang doon sa ano, yung may ginagawang island-island doon, pag u-turn niya, muntikan na siya humalik doon sa kaliwang side na island-island,” kuwento ng saksi. “Ngayon, inalalayan lang namin ng dalawang rider… Pagkatapos, mga ilang segundo na, papunta naman siya sa kabilang side, sa kanan. Pagdating dyan sa traffic light, ayun na, parang ano na siya, hindi na makontrol yung takbo niya… Papaling na naman siya tapos, yun, papunta pa rin kami dito.”
Ayon pa sa saksi, tinangka ng pulis na mag-overtake sa truck ngunit nawalan ng kontrol, sumayad sa gilid nito, natumba at napunta sa ilalim ng sasakyan kung saan siya nagulungan ng dalawang gulong.
“Pagdating na rito banda, gusto niyang umovertake sa trailer, talagang maka-overtake siya. Pagka-overtake niya, papunta sana siya sa kaliwang side. Eh kasi na bawi niya. Pagka-bawi niya, doon siya humalik sa trailer. Pagka-halik niya, bali nag-gas-gas na po siya. Pagka-gas-gas niya, yun na siya. Pagkatumba niya sa mailalim sa trailer at yun doon nagulungan ng dalawang gulong,” kuwento niya.
Paliwanag ng tiyahin ng biktima, katatapos lamang ng pulis sa 24-oras na SONA duty kaya posibleng matinding pagod at antok ang naging dahilan ng pag-gewang nito habang nagmamaneho.
Nasa kustodiya na ng Caloocan City Police ang driver ng truck at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. Mary Anne Sapico