Home METRO 85-anyos, natagpuang patay sa bahay sa Pangasinan; pagnanakaw sinisilip

85-anyos, natagpuang patay sa bahay sa Pangasinan; pagnanakaw sinisilip

1
0

PANGASINAN — Patay na nang matagpuan ang isang 85-anyos na lola sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Poblacion, Mangaldan, Pangasinan, matapos umanong pagpapaluin sa ulo gamit ang isang piraso ng kahoy.

Natagpuan ng anak ng biktima ang kaniyang bangkay nitong Sabado. Hinala ng pulisya, pinatay siya noong Biyernes ng gabi habang mag-isa sa bahay.

“Sa kaniyang nakita (anak ng biktima) ay visible ang mga contusion sa mukha. Immediately, ni-report ito sa mga barangay kagawad at sa amin,” ayon kay Police Lt. Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ang putol na 2×2 na coco lumber na hinihinalang ginamit sa pagpatay.

Sinabi ng pulisya na mayroon na silang person of interest ngunit hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye.

Pagnanakaw ang isa sa mga sinisilip na motibo dahil posibleng puntirya ng salarin ang cash gift na natanggap ng biktima bilang senior citizen. Gayunman, hindi nakuha ang pera dahil naibigay na umano ito ng biktima sa kaniyang anak bago mangyari ang krimen.

Sinabi rin ng isang kaanak na may nakita siyang hindi kilalang tao malapit sa bahay ng biktima noong gabing mangyari ang krimen.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng pulisya sa salarin. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here