MANILA, Philippines — Umabot sa 372,517 katao o 80,756 pamilya ang naapektuhan ng Tropical Storm Kiyapo, na may international name na Noul, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
Sa ulat nito alas-6 ng umaga, sinabi ng NDRRMC na 6,441 katao o 1,538 pamilya ang nananatili sa 27 evacuation center.
Tatlong katao ang naiulat na nasawi sa Davao at Sarangani, habang isa pa ang nawawala sa Sarangani.
Umabot naman sa 678 bahay ang nasira dahil sa bagyo. Sa bilang na ito, 247 ang tuluyang nawasak habang 431 ang bahagyang napinsala.
Nakapagbigay na rin ang pamahalaan ng kabuuang ₱20,235,857 halaga ng ayuda sa mga apektadong residente.
Lumabas ng Philippine Area of Responsibility si Kiyapo noong Sabado ngunit nagdulot ito ng malawakang pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinakita sa mga video at ulat na nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao ang matinding pagbaha sa Davao City, kabilang ang mga mabababang lugar sa Barangay Talomo Proper.
Nagdulot din ang bagyo ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Northern Luzon. Mary Anne Sapico