MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala nang banta sa Department of Justice (DOJ) at Senado matapos matagpuan ang mga hinihinalang improvised explosive devices (IEDs) sa labas ng dalawang gusali.
Ayon kay PNP public information chief Col. Allen Rae Co, patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente ngunit ligtas na ang lugar.
“It’s still under investigation, the IEDs we saw,” aniya.
“The area’s been secured. There is no further threat, especially to the area concerned,” dagdag pa niya.
Sumabog ang isang hinihinalang IED sa labas ng DOJ madaling-araw ng Lunes, habang isa pang hinihinalang IED ang natagpuan sa Diokno Boulevard malapit sa Senado bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nauna nang sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may malaking posibilidad na magkaugnay ang dalawang IED.
Ayon kay Co, masyado pang maaga upang tukuyin kung sino ang may kagagawan, ngunit kapansin-pansin na halos magkapareho ang oras at paraan ng paglalagay ng mga ito.
“Perhaps, there is no other reason but to create fear during the day itself, before the president’s Sona,” aniya.
Sinabi rin ng PNP na patuloy nilang paiigtingin ang seguridad sa paligid ng Senado at magsasagawa ng mga karagdagang hakbang laban sa bagong banta. RNT/MDS