MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Sandiganbayan Third Division na naglagak ng ₱90,000 piyansa si Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang matapos siyang kasuhan ng graft kaugnay ng umano’y conflict of interest sa isang proyekto ng gobyerno.
Personal na nagpunta si Ang kasama ang kanyang abogado upang magpiyansa noong Lunes.
Ayon sa Office of the Ombudsman, nilabag umano ni Ang ang Section 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil nagkaroon siya ng direkta o hindi direktang interes sa isang DPWH road project na nagkakahalaga ng ₱5.97 milyon noong Marso 2023 habang siya ay kongresista.
Iginawad ang proyekto sa Allencon Development Corporation, kung saan sinabi ng Ombudsman na may 500 shares of stock si Ang.
Ayon sa reklamo, nilabag umano nito ang Article VI, Section 14 ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa mga miyembro ng Kongreso na magkaroon ng pinansyal na interes sa mga kontrata ng gobyerno.
Hindi pa itinakda ng Sandiganbayan ang arraignment ng kaso.
Si Ang ang kauna-unahang kongresista na nahaharap sa kaso kaugnay ng umano’y flood control scandal. RNT/MDS