THE HAGUE, Netherlands – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na dadalo siya sa “Free Duterte Now” rally sa The Hague, Netherlands sa Miyerkules, Hulyo 29, bago ang paglilitis sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
Gaganapin ang rally sa harap ng ICC detention facility sa Scheveningen prison complex, kung saan nakakulong ang dating pangulo.
Ayon kay VP Sara, sinabi niya sa kanyang ama ang tungkol sa rally ngunit inamin niyang maaaring hindi ito makatulong sa kaso nito sa International Criminal Court (ICC).
“I informed [former] President Duterte about this and told him, ‘I do not think this will help your case since, from previous rallies, we have noticed that the ICC is taking what we say and using it as the basis for their decisions,” saad niya.
Aniya, tinanong siya ng dating pangulo kung bakit kailangan pang mag-rally.
“And then he said, ‘Why are you rallying? What for?’ I said, ‘Just so we can vent our anger,” dagdag pa niya.
Nahaharap si dating Pangulong Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng kanyang administrasyon. Nakatakda ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.
Samantala, nahaharap din si VP Sara sa impeachment trial kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at grave threats. RNT/MDS