NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Patay ang isang 33-anyos na ginang matapos pagsasaksakin sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Dangalon, Barangay Hilamonan, Kabankalan City, Negros Occidental noong Hulyo 26.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ai-ai.
Ayon sa imbestigasyon, natutulog ang biktima kasama ang kanyang tatlong anak nang pasukin sila ng hindi pa nakikilalang suspek at pagsasaksakin ang ginang.
Nanlaban ang biktima kaya tumakas ang suspek. Isa sa kanyang mga anak ang nagising at nakitang sinasaksak ang kanyang ina.
Pagdating ng asawa ng biktima mula sa pamamasada ng tricycle, agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara ring patay.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy at maaresto ang suspek. RNT/MDS