MANILA, Philippines – Sinabi ng Manila Electric Co. (Meralco) na may bahagi ng system loss na hindi maiiwasan sa pamamahagi ng kuryente, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang system loss charges sa electric bills.
Ayon kay Meralco Executive Vice President at COO Ronnie Aperocho, handa silang makiisa sa pagtalakay ng mga panukalang pagbabago sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Gayunman, sinabi niyang likas sa operasyon ng power distribution ang pagkakaroon ng ilang technical losses.
Ayon sa Meralco, ang system loss charge ay bumubuo ng humigit-kumulang 5% ng bayarin sa kuryente at sumasaklaw sa pagkawala ng kuryente dahil sa technical at non-technical factors, kabilang ang illegal connection at jumper.
Iginiit din ng kumpanya na patuloy silang namumuhunan sa modernisasyon ng sistema at napapanatili nilang mas mababa sa 6.5% cap ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kanilang system loss.
Samantala, sinabi ng ERC na suportado nito ang panukala ng Pangulo at handa itong makipagtulungan sa Kongreso, Department of Energy, at iba pang sektor upang maipatupad ang mga reporma habang pinananatiling maaasahan at abot-kaya ang serbisyo ng kuryente. RNT/MDS