Home NATIONWIDE Tigil-putol sa kuryente, muling ipinag-utos ni PBBM

Tigil-putol sa kuryente, muling ipinag-utos ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang direktiba na pansamantalang ipagbawal ang pagputol ng linya ng kuryente para sa mga konsyumer na may hindi pa nababayarang bill.

“Ipinag-utos din natin na payagan ang ilang piling konsumer na makapagbayad ng kanilang bill nang hulugan sa buwan ng Mayo, Hunyo, at Hulyo. Kaugnay dito, pansamantala nating pinagbawal ang mga pagputol ng linya habang hinuhulugan pa nila ang kanilang bill sa mga buwang ito,” mariing sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang ika-5 State of the Nation Address.

“Mataas ang presyo ng ating kuryente, dala pa rin ng mataas na presyo ng krudo at paglakas ng dolyar. Gayumpaman, tiniyak natin na nabigyan ang mamamayan ng kaunting proteksyon sa kanilang electric bill,” pahayag ng Pangulo.

Ipinag-utos ng Pangulo na agad mag-refund ang mga kumpanya ng kuryente sa mga sobrang nasingil, at payagan ang piling konsyumer na magbayad ng hulugan para sa buwan ng Mayo, Hunyo, at Hulyo.

Bukod dito, sinabi ng Pangulo na ipinatupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang “one-time tax abatement” program upang magbigay ng ginhawa sa mga micro-entrepreneur na nalugi o lumiit ang kita.

Ang one-time tax abatement ay programa ng BIR na tumutulong sa mga micro taxpayers na makabayad ng kanilang tax liabilities. Nagbibigay ito ng isang abatement fee para sa delinquent accounts, tax assessments, at open stop-filer cases ng mga micro taxpayers na may basic tax liabilities at penalties na hindi lalampas sa P80,000.

Ang programa ay bukas hanggang Disyembre 31, 2026, at maaaring mag-apply ang mga taxpayers sa kanilang Revenue District Office (RDO) na may hurisdiksiyon sa kanilang lugar.

Ang mga hakbang na ito, na inihayag ng Pangulo sa kanyang SONA, ay patunay ng pangako ng administrasyon na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino at tiyakin na mananatiling abot-kamay ang pangunahing serbisyo sa gitna ng hamon ng mataas na presyo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here