MANILA, Philippines – Sinabi ng ekonomistang si Prof. Astro del Castillo na dahil sa paghina ng ekonomiya ng Pilipinas hindi maiiwasang tumaas ang singil sa pasahe (fare hike) sa mga pampublikong sasakyan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Del Castillo na isang financial at market analyst malaki ang maaaring maging epekto at implikasyon ng paghina ng ekonomiya ng Pilipinas sa presyo ng mga bilihin at pasahe sa transportasyon .
Sa ginanap na QC Journalist Forum kanina Hulyo 28 (Martes) sinabi ni del Castillo na malaki din ang epekto ng giyera ng US at Iran sa mataas na presyo ng langis at produktong petrolyo dahil.
“Humina ang ating ekonomiya nitong nakalipas na taon dahil na rin sa kombinasyon ng mga suliranin at kawalan ng kompiyansa sa pamahalaan” sabi ni del Castillo.
Sinabi pa ni del Castillo na isa ang Pilipinas sa mga mataas na bilihin na binabayaran sa Asia at isa tayo sa itinuturing na poor performance economy.
“Isa ang Pilipinas sa napakamahal ng kuryenteng binabayaran at mataas ang poverty level” dagdag pa ni del Castillo.
Kaugnay nito sinabi ni Benjamin Ibon lll chief ng Quezon City Tricycle Registration Division TTMD kung magkakaroon ng pagtaas sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan sa bansa hindi maiiwasan na humingi rin ng taas sa pasahe ang mga driver ng trycycle.
“Hindi po maiiwasan na kapag nagkaroon ng fare hike tiyak na magkakaroon din ng taas pasahe ang mga trycycle” sabi ni Ibon.
Sa amin kasing karanasan kapag may fare hike sa transportasyon humiling din ang mga tricycle driver para sa kanilang sektor.
Sinabi pa ng hepe ng Tricycle regulation division hindi naman ito naaprubahan agad ng departamento dahil kailangan dumaan pa ito sa isang ordinance.
Tiniyak pa ni Ibon sa 28,000 miyembro ng mga samahan ng tricycle driver sa Quezon City na sa kabila nito nagpapatupad ang city ng mga ayuda o tulong sa mga driver ng trycycle sa pamamagitan ng fuel subsidy at iba pa upang makatulong sa nararansan krisis sa epekto ng mataas na presyo ng gasoline. (Santi Celario)