CAVITE, Philippines – Laking pasasalamat ng mag ari ng PNGB Asher Jewelry Corp jewelry shop na nilooban at natangayan tinangayan ng milyong halaga makaraang mabawi ang mga ninakaw na alahas sa isinagawang search warrant sa isang bahay sa Quezon City nitong madaling-araw ng Martes, Hulyo 28, 2026.
Sa operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng GMA Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Galas Police Station 11 ng Quezon City Police District, narekober ang isang gold ring, isang gold necklace, isang pares ng gold earrings, at isang gold pendant na positibong kinilala ng kinatawan ng PNGB Asher Jewelry Corp. bilang kabilang sa mga alahas na ninakaw noong Hulyo 6.
Ang mga nakuhang alahas ay natagpuan sa loob ng isang bahay sa Villa España, Barangay Tatalon, Quezon City sa bisa ng Search Warrant No. 6820 (26) na inilabas ng Regional Trial Court Branch 216, Quezon City kaugnay ng kasong robbery.
Bagama’t matagumpay na nabawi ang ilan sa mga nawawalang alahas, hindi naman naabutan sa lugar ang itinuturong suspek na si alias “Gerr,” na nananatiling pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, ang lahat ng narekober na alahas ay agad na isinailalim sa wastong pagmamarka, pagdodokumento, at imbentaryo sa harap ng mga opisyal ng barangay, kinatawan ng homeowners’ association, at media bilang pagsunod sa umiiral na proseso ng batas.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang mabawi pa ang iba pang nawawalang alahas at maaresto ang iba pang mga responsable sa isa sa pinakamalalaking insidente ng pagnanakaw sa isang jewelry shop sa Cavite. MARGIE BAUTISTA