MANILA, Philippines – Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tatlong kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa isang POGO-linked company, isang construction firm, at dalawang real estate sellers dahil sa umano’y mahigit P416 milyong tax liabilities.
Ayon sa BIR, inihain ang mga reklamo noong Hulyo 23 sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) Program dahil sa umano’y paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC).
Pinakamalaki sa mga kaso ang isinampa laban sa Zun Yuan Technology Inc. at mga opisyal nito, na nahaharap sa reklamong sadyang hindi pagbabayad ng buwis at pagsusumite ng hindi tama at hindi kumpletong impormasyon sa tax returns.
Tinatayang umabot sa P402.74 milyon ang tax liability ng kumpanya.
Matatandaang naiugnay ang Zun Yuan Technology sa ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac, na naging paksa ng mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng POGO noong 2024.
Batay sa imbestigasyon ng BIR, bagama’t nagdeklara ang kumpanya ng kita mula sa POGO operations nito, hindi umano nito isinama ang malaking bahagi ng taxable income mula sa offshore gaming, na nagresulta sa kakulangan sa pagbabayad ng income tax, value-added tax (VAT), at withholding taxes.
Kinasuhan din ng BIR ang AEP Construction at mga opisyal nito dahil sa umano’y sadyang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis at pagsusumite ng maling impormasyon sa tax returns.
Tinatayang nasa P6.02 milyon ang tax liability ng kumpanya matapos umanong magkulang sa pagdedeklara ng taxable income, na nagdulot ng kakulangan sa income tax at VAT.
Samantala, nahaharap din sa kaso ang dalawang VAT-registered real estate sellers na may tinatayang P7.31 milyong tax liability.
Ayon sa BIR, itinuring umano ng mga ito na saklaw ng capital gains tax ang kanilang mga transaksyon sa halip na VAT, kahit na rehistrado silang VAT taxpayers at nasa negosyo ng pagbebenta ng real properties.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapagsampa na ang BIR ng 269 criminal complaints sa buong bansa sa ilalim ng RATE Program.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na pananagutin ng ahensya ang sinumang mapatutunayang sadyang umiwas sa tamang pagbabayad ng buwis upang matiyak ang patas na sistema para sa mga tapat na nagbabayad ng buwis. RNT/JGC