Home NATIONWIDE Mga kandidato sa Cavite, BARMM special polls binalaan vs vote-buying

Mga kandidato sa Cavite, BARMM special polls binalaan vs vote-buying

1
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa special election sa Cavite at sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na walang humpay nitong uusigin ang mga kasong may kaugnayan sa vote-buying.

Inilabas ni Comelec Chairman George Garcia ang babala bago ang pagsisimula sa Hulyo 30 ng campaign period para sa congressional race sa Dasmariñas at sa BARMM parliamentary elections.

Sinabi ni Garcia na may subcommittee ng Kontra Bigay task force sa bawat tanggapan ng Comelec upang bantayan at sugpuin ang vote-buying katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

“‘Yan po ay hindi lamang Comelec, kasama na natin ang ibang ahensya pa ng pamahalaan para sugpuin po ito,” ani Garcia.

Bagama’t mas maliit ang saklaw ng mga halalan kumpara sa national elections, tiniyak niyang ang Comelec “will be on top of the situation always.”

Pinaalalahanan din ni Garcia ang mga kandidato na huwag abusuhin ang mga pasilidad at iba pang resources ng gobyerno sa panahon ng kampanya. Hinikayat din niya silang iwasan ang paggamit ng non-biodegradable campaign materials at pangangampanya sa gabi upang hindi makaabala sa mga nagpapahinga.

Maaaring mangampanya ang mga kandidato sa Dasmariñas special election hanggang Agosto 27, dalawang araw bago ang halalan sa Agosto 29.

Samantala, hanggang Setyembre 12 ang kampanya ng mga kandidato sa BARMM parliamentary elections na gaganapin sa Setyembre 14. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here