MANILA, Philippines — Isinumite ng Bureau of Internal Revenue sa Senate impeachment court nitong Huwebes ang income tax records ni Vice President Sara Duterte matapos pahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng mga ito.
Kasama rin sa isinumite ang tax records ng asawa ni Duterte na si Atty. Mans Carpio at ng mga korporasyong iniuugnay sa mag-asawa.
Iniimbentaryo at pinoproseso muna ang mga dokumentong sakop ng subpoena bago mabigyan ng kopya ang mga partidong sangkot sa impeachment trial.
Ipinatawag ng impeachment court ang tax, bank, at Anti-Money Laundering Council records ni Duterte matapos igiit ng mga prosecutor na kailangan ang mga ito upang matukoy kung nakalikom siya ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi tugma sa kaniyang legal na kita. RNT