ALBANY, New York – Iniharap ng Pilipinas sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (CLCS) sa New York ang bahagi ng claim nito para sa extended continental shelf (ECS) sa West Philippine Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ilalim ng Article 76 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), hiniling ng Pilipinas na tukuyin ang panlabas na hangganan ng continental shelf nito. Saklaw nito ang seabed at subsoil na lampas sa 200 nautical miles, hanggang 350 nautical miles mula sa baseline ng bansa.
“The presentation further underscored that the submission was part of the country’s responsibility to secure a peaceful South China Sea through the rule of law in order to sustain the livelihoods of Filipinos, foster trade, protect marine biodiversity, and unite coastal and littoral States,” ayon sa DFA.
Hiniling din ng Pilipinas sa CLCS na isaalang-alang ang mga desisyong ginawa ng mga tribunal sa ilalim ng 1982 UNCLOS, kabilang ang 2016 South China Sea Arbitral Award, na nagtakda ng mga karapatan ng mga bansang may baybayin sa South China Sea.
Pinangunahan ni Ambassador Enrique Manalo, permanent representative ng Pilipinas sa UN, ang delegasyon na binubuo ng mga kinatawan mula sa NAMRIA, DFA, Department of Justice, Office of the Solicitor General, at mga eksperto mula sa University of the Philippines.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nagsumite ang Pilipinas ng claim para sa continental shelf. Noong 2009, nagsumite ito ng claim para sa Philippine Rise, na kinilala ng CLCS noong 2012, at nagbigay sa bansa ng karagdagang 135,506 square kilometres ng seabed.
Inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang ilang lugar na inaangkin din ng Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan, Vietnam, at Indonesia.
Noong 2016, nagpasya ang isang international arbitral tribunal sa The Hague na walang legal na batayan ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea sa ilalim ng tinatawag na nine-dash line. Gayunman, hindi kinikilala ng China ang nasabing desisyon at patuloy itong tumatangging sundin ito. RNT/MDS