MANILA, Philippines – Inaresto ang isang 31-anyos na lalaki matapos umano siyang magnakaw ng galvanized iron (GI) pipes mula sa bubong ng isang pribadong establisimyento sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City noong gabi ng Hulyo 28.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Je”, residente ng Barangay Pasong Tamo. Ayon sa pulisya, umakyat umano siya sa konkretong bakod ng establisimyento bandang 7:20 p.m. at pumasok sa rooftop area.
Kinuha umano niya ang mga GI pipe at itinapon ang mga ito sa bakanteng lote sa tabi ng establisimyento bago sinubukang tumakas sa kabilang bahagi ng bakod.
Nakunan ng CCTV camera ang pangyayari, kaya agad na naalerto ang mga empleyado. Tinangka siyang habulin ng isa sa kanila, ngunit nakatakas muna ang suspek.
Kalaunan, naaresto siya ng mga pulis mula sa Holy Spirit Police Station (PS 14) habang nagpapatrolya sa lugar.
Narekober mula sa suspek ang dalawang GI pipe na nagkakahalaga ng ₱1,050.
Ayon sa pulisya, may mga nauna nang rekord ang suspek mula 2018 kaugnay ng umano’y paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Anti-Illegal Numbers Game Law, at Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act.
Mahaharap ang suspek sa kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office. RNT/MDS