Home NATIONWIDE Aplikasyon sa akreditasyon ng MTPP, bubuksan ng LTFRB

Aplikasyon sa akreditasyon ng MTPP, bubuksan ng LTFRB

4
0

MANILA, Philippines – Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ay magsisimulang tumanggap ng *letter of intent* para sa akreditasyon ng Motorcycle Taxi Platform Provider (MTPP) sa Agosto 5.

Kasabay nito, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na magpapatuloy din sa nasabing petsa ang pagtanggap ng aplikasyon para sa pag-isyu ng *Provisional Authority to Operate* bilang motorcycle taxi rider.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Chairman Vigor na ang akreditasyon para sa MTPP at ang pag-isyu ng *Provisional Authority* para sa mga taxi rider ay ibabatay sa *rider cap* o limitasyon sa bilang ng mga rider na itinakda ng Motorcycle Taxi Technical Working Group para sa bawat MTPP.

Kaugnay nito idinagdag ni  Chairman Vigor na walang mga bagong *player* o kumpanya ang tatanggapin dahil limitado lamang ang mga *slot* sa mga nabigyan na ng pahintulot ng Technical Working Group.

“Nagpatupad tayo ng mga hakbang hindi lamang upang matiyak na magiging maayos at komportable ang proseso para sa komunidad ng motorcycle taxi, kundi upang makamit din ang ating pangunahing layunin na magkaroon ng maayos at sistematikong sistema ng pampublikong transportasyon,” pahayag ni Chairman Vigor.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na lalong pagbutihin, gawing moderno, at gawing propesyonal ang pampublikong transportasyon sa bansa.

Kaugnay nito sa panig ng LTFRB, sinabi ni Chairman Vigor na ang layunin ay matiyak na ang mga pasahero ay makakaasa sa isang maaasahan at komportableng sistema ng transportasyon araw-araw.

Nauna nang pansamantalang sinuspinde ng LTFRB ang pagtanggap ng mga bagong *ride-hailing service unit* at *rider* dahil sa mga kumpirmadong ulat ng pagpayag sa mas maraming drayber at *rider* na higit sa limitasyong itinakda ng ahensya.

Ang hakbang na ito ay naglalayong linisin ang hanay ng mga serbisyo, na ayon sa LTFRB ay magdudulot ng benepisyo sa buong komunidad ng *ride-hailing service*. Bukod sa pagbuo ng isang sistematiko at makabagong sistema ng pampublikong transportasyon, puspusan ding isinusulong ng LTFRB ang digitalisasyon upang gawing digital ang lahat ng transaksyon sa ahensya para sa kapakanan ng sektor ng PUV. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here